Harana: Makalumang paraan ng panliligaw sa kulturang Pilipino
Sa panahon ngayon ng “chat” at “DM,” parang nakakalimutan na ng marami ang mga tradisyonal na paraan ng pagpapahayag ng damdamin. Isang halimbawa dito ang harana, isang makalumang paraan ng panliligaw na nagpapakita ng pagiging simple at malalim na pagpapahayag ng pagmamahal. Bagamat bihira na itong makita sa kasalukuyang panahon, ang harana ay bahagi ng kulturang Pilipino na puno ng kwento at kahulugan.


Ang harana ay ang dating estilo ng panliligaw, kung saan ang isang lalaki ay pupunta sa bahay ng kanyang nililigawan sa gabi, kasamang ilang kaibigan o musikero, upang umawit sa ilalim ng bintana ng dalaga. Hindi lang basta pagkanta ang harana, ito ay isang paraan para ipakita ang sinserong damdamin ng lalaki sa harap ng pamilya at komunidad ng babae. Kadalasan, gitara ang instrumento na ginagamit, at ang mga kantang pinipili ay mabagal at malambing, tulad ng “O Ilaw” at “Dahil Sa Iyo.” Ang bawat liriko ng mga kantang ito ay may sinserong mensahe ng pagmamahal.
Sa pag-awit ng harana, hindi agad sigurado ang binata kung tatanggapin ba ng babae ang kanyang pagpapahayag. Kung lalabas ang babae upang makinig, senyales ito na interesado siya. Kung hindi siya lumabas, maaaring ito ay tanda ng kanyang pagdadalawang-isip o pagtanggi. Kaya’t ang harana ay hindi lang basta kanta, ito rin ay isang pagsubok sa lakas ng loob at katapatan ng isang manliligaw.
Nakikita rin sa harana ang respeto at kababaang-loob. Hindi lang ito tungkol sa panliligaw, ito rin ay isang paraan ng pagpapakita na handa ang lalaki na maghintay at magpursige. Sa harana, pinapakita na mahalaga ang pagpapakita ng respeto sa nararamdaman ng babae, kahit na may posibilidad na hindi siya tanggapin.
Sa panahon ngayon, bihira na ang mga nagpapakita ng harana. Mas pinipili ng mga tao ang mga mabilisang paraan ng komunikasyon, tulad ng mensahe o tawag. Pero para sa ilan, lalo na sa mga kabataan na nais pa ring maipakita ang tradisyonal na paraan ng panliligaw, naniniwala sila na ang harana ay may kakaibang ganda
Sa kabuuan, ang harana ay hindi lamang bahagi ng panliligaw kundi ng kultura at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Sana kahit paunti-unti, patuloy itong isabuhay ng mga susunod na henerasyon. Ang simpleng kanta mula sa ilalim ng bintana ay paalala sa atin na minsan, ang pagmamahal ay mas maganda kapag ipinapakita sa mga simpleng paraan.
~~~~~~~~~~
Sakura Jane A. Cruz
STEM 11- Iris
Comments
Post a Comment